Libreng dialysis para sa mahihirap pasado sa Kamara

Isinasagawa ang dialysis sa mga pasyenteng napinsala o bumigay ang atay para tanggalin ang dumi, asin at sobrang tubig na naiipon sa katawan, ayon sa National Kidney Foundation.
File

MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng isang militanteng mambabatas ang pagkakapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 09156 na mag-oobliga sa mga pampublikong gobyerno na magbigay ng libreng dialyis treatment para sa mahihirap na pasyente.

Sa isang pahayag umaga ng Martes, sinabi ng Bayan Muna naghain sila ng house resolution kaugnay nito bilang mabilisang tugon sa pangangailangan ng tao.

"The steep cost of health services in our country will set you back P25,000 to P46,000 a month for dialysis treatment, a price very few can afford," sabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na isa sa mga pangunahing awtor ng panukala.

(Dahil mahal ang serbisyong pangkalusugan sa bansa, aabutin ka ng P25,000 hanggang P46,000 kada buwan para sa dialysis treatment, presyong iilan lang ang makaaabot.)

Ayon kay Zarate, itinutulak daw nila ito dahil alam nilang maraming buhay ang nakataya rito.

Isinasagawa ang dialysis sa mga pasyenteng napinsala o bumigay ang atay para tanggalin ang dumi, asin at sobrang tubig na naiipon sa katawan, ayon sa National Kidney Foundation.

Pinananatili din nito sa ligtas na lebel ang ilang kemikal sa dugo, tulad ng potassium, sodium at bicarbonate.

Nakatutulong din ito sa pagkontrol ng blood pressure.

Kung hindi makakukuha ng dialysis, maiipon ang mga nakalalasong dumi at fluid sa katawan, dahilan para madaling makaramdam ng pagod, hirap sa paghinga.

Maaari ring magdulot ng pagkamatay ang kidney failure.

"We believe that the passing of HB 09156 acknowledges two things: one, that health is something that the ordinary Filipino could not afford, and two, that the government is scrimping on health budget despite the desperate need of our people," dagdag ni Zarate.

(Naniniwala kaming ang pagpapapasa ng HB 09156 ay pagkilala sa dalawang bagay: una, na hindi abot kaya ng karaniwang Pilipino ang serbisyong pangkalusugan, at ikalawa, nagtitipid ang gobyerno sa pagpopondo sa kalusugan kahit desperado na ang taumbayan.)

Aniya, normal na raw na makikita ng mga taong humihingi ng tulong sa House of Representatives para sa dialysis.

Ayon sa National Kidney and Transplant Instutute, sakit sa atay, lalo na ang End Stage Renal Disease, ang ika-7 pinakalaganap na dahilan ng kamatayan sa bansa.

Sinasabing isang Pilipino kada oras na nagkakaroon ng chronic renal failure, o 120 Pilipino kada milyong populasyon taun-taon.

Nanawagan naman si Zarate sa kanilang mga counterpart sa Senado na agarang magpasa ng kahalintulad na panukala doon bilang tugon sa mga sakit na pinalalala daw ng kahirapan.

Show comments