Seguridad sa May 13 polls kasado na!

Ayon kay PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde, nasa 149,830 pulis ang kanilang idedeploy para mangalaga sa seguridad ng eleksyon.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Kasado na ang mahigpit na seguridad na ilalatag ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak ang mapayapa at maayos na halalan bukas, Mayo 13.

Ayon kay PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde, nasa 149,830 pulis ang kanilang idedeploy para mangalaga sa seguridad ng eleksyon.

“It’s all systems go, we are almost 100 percent ready for election duties,” sabi ni Albayalde.

Una nang isinailalim ni Albayalde sa full alert status ang buong pu­wersa ng PNP na sinundan ng red alert status ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr.

Sinabi ni Albayalde, na sa kabuuang 149, 830 pulis na idedeploy nasa 75,486 dito ang magbabantay may 50 metro ang layo sa mga polling centers.

Nasa 11,413 ang mga miyembro ng Quick Reaction Teams, 2,838 pulis na sinanay na Board of Election Inspectors, 4,566 ang magbabantay sa canvassing centers at 6,083 ang idineploy sa monitoring centers.

Nasa 34,388 ang standby force sakaling kailanganin at magkaroon ng kaguluhan sa mga polling centers.

Kanselado rin muna ang bakasyon ng kapulisan para mabantayang mabuti at maipatupad ang mahigpit na seguridad sa halalan.

Sinabi naman ni Madrigal Jr., na nasa 98,000 puwersa ng AFP ang inatasang mangalaga sa seguridad ng eleksyon katuwang ng mga ele­mento ng PNP.

Prayoridad ng deployment ng AFP ang mga lugar na may banta sa pambansang seguridad kabilang ang mga balwarte ng New People’s Army (NPA), Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group, Dawlah Islamiyah terrorists at iba pa na posibleng manabotahe sa halalan.

Bukod sa mga Private Armed Groups, loose firearms ay target din nila ang pigilan ang mga insidente ng vote buying.

Mahigpit din ang tagubilin sa mga sundalo at pulis na panatilihin ang pagiging apolitical o walang kinikilingang kandidato sa halalan.

Show comments