‘Political ceasefire’ muna ngayong Semana – Imee

Ayon kay Marcos, makabubuting itigil na muna ang mga alitan at batikusan ng magkakalabang pulitiko sa panahon ng kampanya para higit na makapagnilay ang bawat isa bilang mga Kristiyanong naniniwala kay Hesu Kristo.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Nanawagan ngayon si senatorial bet at Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa lahat ng mga magkakalabang pulitiko na pairalin muna ang isang “political ceasefire” sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa o Holy Week.

Ayon kay Marcos, makabubuting itigil na muna ang mga alitan at batikusan ng magkakalabang pulitiko sa panahon ng kampanya para higit na makapagnilay ang bawat isa bilang mga Kristiyanong naniniwala kay Hesu Kristo.

“Siguro naman hindi kabawasan sa ating lahat na kahit sandali ay makapagnilay tayo lalu na ngayong Holy Week. Magkaisa tayo at kilalanin ang paghihirap ni Hesu Kristo,” paliwanag ni Marcos.

Ang panawagan ni Marcos ay bunsod na rin ng tumitinding tensyon bunga ng nakatakdang halalan lalu na sa mga lalawigan kung saan mahigpit ang labanan ng mga magkakalabang kandidato.

“Dapat ‘political ceasefire’ muna tayo! Kahit na papaano, malaking tulong ito kung sa pagsapit ng Holy Week ay magkaisa tayong lahat kabilang na ang ating mga constituents, at maging daan ito para lalung maging mapayapa ang darating na eleksyon sa Mayo13,” panawagan pa ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na ang anumang uri ng karahasan ay hindi mangyayari sa panahon ng eleksyon kung ang bawat magkakalabang pulitiko ay magkakaisa bilang mga Kristiyano at isasabuhay ang paghihirap ni Hesu Kristo ngayong Semana Santa.

Show comments