Ex-BF ng dalagitang binalatan tiklo

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 7 Director Police Brigadier General Debold Sinas, ang ikalawang suspek na nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ay isa sa mga person of interest sa kasong kanilang iniim­bestigahan sa brutal na pagpatay kay Christine Lee Silawan.
The Freeman

MANILA, Philippines — Isa pang person of interest sa karumaldumal na pagpatay sa isang 16-anyos na dalagita na binalatan pa ng mukha at tinanggalan ng dila sa Cebu ang nasakote ng mga awtoridad, ayon sa opisyal kahapon.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 7 Director Police Brigadier General Debold Sinas, ang ikalawang suspek na nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ay isa sa mga person of interest sa kasong kanilang iniim­bestigahan sa brutal na pagpatay kay Christine Lee Silawan.

Inihayag ng opis­yal na ang nadakip na 17-anyos na binatilyo na dating lover ng biktima ay lumutang sa kanilang imbestigasyon at posibleng may kinalaman sa pamamaslang kay Silawan sa naganap na krimen sa Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu City, Cebu noong Marso 10.

Si Silawan, estud­yan­te ng Maribago High School at kolektor sa isang simbahang Katoliko, ay natagpuang patay, binalatan ang mukha, tinanggalan ng dila at iba pang lamanloob. Tatlo umano ang suspek na tinitingnan sa krimen.

Ayon kay Sinas, ma­kikipagkoordinasyon sila sa NBI Central Visayas  para sa mabilisang ika­lulutas ng kaso.

Una nang nasakote kamakailan ng NBI at pulisya ang person of interest na si Jonas Bueno  sa operasyon sa lungsod ng Davao pero inaresto ito kaugnay sa kasong pagpatay sa isang 60 anyos na matandang magsasaka sa Cebu  na binalatan din ang mukha noong nakalipas na taon.

 Sa inisyal na impormasyon na ipinarating ni Atty. Tomas Enrile, NBI Central Visayas Director  sa PRO 7, ang suspek na dating lover umano ni Silawan ay uma­ming nagselos siya kaya na­patay ang dalagita.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng mga awtoridad upang masakote ang dalawa pa sa mga suspek.

Show comments