Digong pinatatahimik si Andaya

Sa pahayag na ipinalabas ng Palasyo, bagamat nirerespeto ng Pangulo ang pagiging independent ng House of Representatives ay sinabihan pa rin si Andaya na tigilan ang paninira sa pamamagitan ng media propaganda na may layuning wasakin at sirain ang imahe at reputasyon ni Diokno.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Duterte na ang nagsalita kay dating House Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr. na tigilan na si Budget Secretary Benjamin Diokno sa paninira rito.

Sa pahayag na ipinalabas ng Palasyo, bagamat nirerespeto ng Pangulo ang pagiging independent ng House of Representatives ay sinabihan pa rin si Andaya na tigilan ang paninira sa pamamagitan ng media propaganda na may layuning wasakin at sirain ang imahe at reputasyon ni Diokno. 

Ito’y matapos mapatalsik si Andaya sa kanyang puwesto bilang majority floor leader na pinalitan naman ni Capiz 2nd District Rep. Fredenil Castro. 

Samantala agad namang nagpa-abot ng pagbati si Presidential Spokesman Salvador Panelo kay Castro matapos na matalaga bilang bagong House Majority Leader.

Ibinigay kay Andaya ang chairmanship ng Appropriations Committee habang tuluyan ng nawala sa kanya ang Committee on Ruless. 

Magugunitang ang House Committee on Rules noong pinamumunuan pa ni Andaya ay ilang beses nagsagawa ng pagdinig ukol sa isyu ng umano’y corruption sa budget at flood control projects na ang layunin lang umano ay ipahiya at wasakin si Diokno.

Subalit naniniwala ang ilan na walang jurisdiction ito sa isyu na isa rin sa mga sinasabing dahilan ng kanyang pagkakatalsik sa puwesto. (Gemma Garcia)

Show comments