Pagtakbo ng biyuda ni Batocabe ‘di pa pinal

Ayon kay Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng pinaslang na kongresista, ang naging pahayag noong isang araw ni Dennis Batocabe, na kapatid ng kanyang ama, na ang kanyang ina ang tatakbo sa pagka-mayor ay personal na pahayag lamang nito dahil wala pang nabubuong desisyon ang kanilang pamilya dahil sa patuloy pang pagluluksa.

?MANILA, Philippines — Wala pang nabubuong desisyon ang pamilya ng pinaslang na si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe kung sino ang tatakbo bilang mayor sa darating na halalan sa gitna nang naglabasang balita na si Getrudes ‘Gertie’ Duran Batocabe ang papalit sa kandidatura sa bayan ng Daraga, Albay.

Ayon kay Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng pinaslang na kongresista, ang naging pahayag noong isang araw ni Dennis Batocabe, na kapatid ng kanyang ama, na ang kanyang ina ang tatakbo sa pagka-mayor ay personal na pahayag lamang nito dahil wala pang nabubuong desisyon ang kanilang pamilya dahil sa patuloy pang pagluluksa.

Gayunman, siniguro na isang Batocabe ang tatakbo uli bilang mayor pero wala pang katiyakan kung kailan ihahayag. Pwede rin umanong ga­win ang ‘substitution’ sa araw mismo ng eleksyon.

Sinabi rin ni Atty. Batocabe na ang P20 milyong pangako ni Pangulong Duterte na bahagi ng P50 milyong reward ay ibibi­gay kapag natapos na ang preliminary hearing at nakitaan ng probable cause para maisampa ang kaso sa korte.

Napag-usapan din umano nila na hindi sa mga lumutang na testigo ibibigay ang reward kundi sa kani-kanilang asawa at pamilya para may maipantustos din sila sa kanilang seguridad at magkaroon nang maginhawang buhay.

Nilinaw din na hindi lahat ng suspek na sumuko at tumestigo ang makatatanggap sa pa­ngakong reward dahil una nang binanggit na ibibigay nila ang pabuya sa suspek na tetestigo pero ‘least guilty’. Hindi rito kasama si Henry Yuson na siya mismong bumaril sa kongresista.

‘Ang suspek na siya mismong bumaril sa aking tatay ay hindi maituturing na least guilty at sa halip ay pangalawa siyang may pinakamabigat na kasalanan sunod sa utak nang pamamaslang,” ayon pa kay Justin.

Show comments