Ayon kay Rep. Gary Alejano, kapuri-puri naman ang inisyatiba ng mga Tsino ngunit pinaalalang may sigalot pa rin sa rehiyon.
The STAR/Boy Santos, File
Rehab ng Tsina sa coral reefs ng Spratlys pinababantayan
(Philstar.com) - January 10, 2019 - 2:24pm

MANILA, Philippines — Inudyok ni Rep. Gary Alejano (Magdalo party-list) ang gobyerno na bantayan ang isinasagawang rehabilitasyon ng Beijing sa mga bahura ng Spratly Islands sa South China Sea.

Inansunyo ng Ministry of Natural Resources ng Tsina noong isang linggo na naglagay sila ng mga pasilidad na "magproprotekta" at "magpapanumbalik" sa mga coral reefs na nasira ng mga imprastrukturang itinayo nila sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Alejano, kapuri-puri naman ang inisyatiba ng mga Tsino ngunit pinaalalang may sigalot pa rin sa rehiyon.

"Dapat makialam ang ating gobyerno sa proyekto kasi isa tayo sa mga umaangkin sa mga teritoryo sa South China Sea. Maaaring parte lang ng pananakop ng Tsina ang pagsasaayos na 'to," sabi ni Alejano sa Ingles.

Binigyang diin din ng mambabatas na hindi lang isyung pangkalikasan ang pagsasa-ayos dahil dapat makabahagi raw dito ang iba pang umaangkin sa South China Sea.

Maipagkakait daw kasi sa iba pang claimants gaya ng Pilipinas ang karapatan na makipagtulungan kung Tsina lang ang gagawa nito.

"Hindi lang problema ng isa ang pangangalaga sa kalikasan, ngunit ng marami. Ang maka-isang panig na aksyon ng Tsina ay malinaw na pambabastos sa Pilipinas bilang claimant," dagdag ni Alejano.

Kwinestyon naman ni Gregory Poling, director ng Washington-based Asia Maritime Transparency Initiative, kung bakit walang kinapanayam na marine scientist ang South China Morning Post sa kanilang ulat tungkol sa restoration project ng coral reefs.

"Why didn't [SCMP] interview a single marine scientist for this story? You can't restore a reef buried under hundreds of acres of sand and concrete," ani Poling sa Twitter.

Damay sa proyekto ng Tsina ang Fiery Cross Reef, Mischief Reef, at Subi Reef — mga teritoryong inaangkin din ng Pilipinas.

Ilan lang sa mga inilagay ng Tsina dito ay mga missile systems at electronic jammers, na ginawa namang military outpost.

Noong Hunyo 2016, maaalalang sinabi ng United Nations Arbitral Tribunal na lumabag ang Tsina sa obligasyon nilang alagaan ang ecosystem at tirahan ng mga hayop na nanganganib maubos doon dahil sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla.

Binalewala din ng tribunal ang "nine-dash line" claim ng Tsina sa South China Sea.

CHINA PHILIPPINES-CHINA RELATIONS SOUTH CHINA SEA WEST PHILIPPINE SEA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with