Pagkalas ng Pinas sa IPU kinontra

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, tutol siya sa panukala ni Arroyo na umalis ang Pilipinas sa IPU dahil lamang sa naging pahayag ng nasabing organisasyon sa nangyayaring political persecutions umano laban kina Senators Leila de Lima at Sonny Trillanes.
Office of the Speaker | Press and Public Affairs Bureau (PPAB)

MANILA, Philippines — Kinontra kahapon ng mga mambabatas ang panukala ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na mag-withdraw na ang Pilipinas mula sa Inter-Parliamentary Union (IPU).

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, tutol siya sa panukala ni Arroyo na umalis ang Pilipinas sa IPU dahil lamang sa naging pahayag ng nasabing organisasyon sa nangyayaring political persecutions umano laban kina Senators Leila de Lima at Sonny Trillanes.

Sinabi pa ni Drilon na “despairing” at “defeatist” ang panukala ni Arroyo na magpapakita sa buong mundo na totoong ginigipit ng gobyerno ang mga mambabatas na kritikal sa administrasyon.

Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na  kung kakalas ang Pilipinas sa IPU, ipahihiwatig anya ng Senado na kinukunsinti nito ang political persecution sa mga opposition senators.

Sinabi pa ni Lacson na ang Senado at hindi ang House of Representatives ang miyembo ng IPU kaya hindi niya tiyak kung ano ang pinaghuhugutan ni Arroyo sa kanyang rekomendasyon.

Nanawagan din sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa Senado na huwag sundin ang utos ni Arroyo na kumalas ang bansa sa IPU. Ayon kay Zarate, hindi nangingialam ang IPU sa proseso ng hustisya ng bansa kundi pinupuna lamang nito ang kanilang obserbasyon at nagbibigay rekomendasyon kaugnay sa pag-atake sa mga mambabatas na kritiko sa pamahalaan.

Para naman kay Tinio, tinawag lamang ng IPU ang pansin ng kanilang counterpart sa Kongreso dahil sa hindi paggiit sa independence ng Kapulu­ngan para protektahan ang karapatan nina de Lima at Trillanes. (Gemma Garcia)

Show comments