Enrile tatakbo pa ring senador

Nabatid na ang kanyang abogado na si Atty. Joseph Sagandoy ang personal na nagtungo sa Comelec head office para pormal na ihain ang kanyang certificate of candidacy (COC).
Boy Santos

MANILA, Philippines — Tatakbo pa rin bilang senador sa 2019 mid-term election ang 94-anyos na si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa kabila ng kanyang anunsiyo noon na magreretiro na sa politika.

Nabatid na ang kanyang abogado na si Atty. Joseph Sagandoy ang personal na nagtungo sa Comelec head office para pormal na ihain ang kanyang certificate of candidacy (COC).

Magugunitang apat na termino na rin na nagsilbi si Enrile bilang senador.

Kung sakaling manalo muli si Enrile at matapos niya ang anim na taon, siya ay magkaka-edad na bilang 101-anyos.

Samantala, dala ang suporta ng kanyang asawa at dalawang anak, nagsumite si Sen. Bam Aquino ng certificate of candidacy kahapon para sa kanyang ikalawang termino.

“Pursigido pa po akong tumulong sa pamilyang Pilipino na makabangon at mabuhay nang maginhawa. Kaya tatakbo po uli ako sa Senado,” wika ni Sen. Bam, na suportado ng asawang si Timi at mga anak na sina Rory at Coco.

Isa si Bam sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Simula pa noong Mayo, isinusulong na ni Sen. Bam ang suspensiyon ng excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill No. 1798 o ang Bawas Presyo sa Petrolyo Bill. 

Sa kanyang unang limang taon sa Senado, nakapagpasa si Sen. Bam ng 32 batas, kabilang ang libreng kolehiyo sa state universities and colleges, local universities and colleges at TESDA-run technical-vocational institutions.

Isinulong ni Sen. Bam ang pagsasabatas ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act bilang principal sponsor sa kanyang panahon bilang chairman ng Committee on Education.

Show comments