Giyera sa MILF tapos na - AFP chief

“Ideklara ko ngayon officially wala nang digmaan between AFP at MILF. Let’s respect peace in Mindanao. Starting today we have a strong partnership,” wika ni Galvez sa pagbisita nito sa kuta ng MILF sa Maguindanao.
KrisJohn Rosales

MANILA, Philippines — Opisyal nang idinek­lara ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. ang pagtatapos ng giyera sa pagitan ng militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“Ideklara ko ngayon officially wala nang digmaan between AFP at MILF. Let’s respect peace in Mindanao. Starting today we have a strong partnership,” wika ni Galvez sa pagbisita nito sa kuta ng MILF sa Maguindanao.

Ito ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas na ang isang mataas na opisyal ng militar ay bumisita sa kampo ng MILF.

Inimbitahan din niya si MILF Chairman Al Hajj Murad Ebrahim na bisitahin ang general headquarters ng AFP sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Sinabi ni Galvez na hindi iiwan ng AFP ang MILF sa kanilang pakikibaka para makamtan ang kapayapaan sa Mindanao at sisiguruhin na ibibigay sa Bangsamoro ang nararapat sa kanila para makamit din ang ka­ginhawahan sa Mindanao.

Tiniyak din naman ni Ebrahim na si Galvez ay kaibigan ng Bangsamoro dahil sa pagkonsidera ng opisyal na ikalawang bahay ang Mindanao na handang tumulong para ikampanya ang Bangsamoro government kapag nagretiro na siya sa Dis­yembre.

Show comments