‘Life’ hatol kay Palparan
MANILA, Philippines — Matapos ang 12 taon, guilty ang naging hatol ng Malolos Regional Trial Court kay Retired General Jovito Palparan at dalawang iba kaugnay ng pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.
Si Palparan kasama sina Lt. Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgardo Osorio ay hinatulan ng habang buhay na pagkabilanggo dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.
Inatasan ng korte ang tatlo na magbayad ng tig-P100,000 civil indemnity at P200,000 para sa moral damages.
Hulyo 2011 pa nang simulang dinggin ng korte ang kaso laban kay Palparan na noong panahong yun ay nagtatago pa sa batas.
Nakulong lamang si Palparan nang mahuli ito noong 2014 sa Sta. Mesa, Manila.
Samantala, napuno ng emosyon ang sala ni Judge Alexander Tamayo ng Malolos Regional Trial Court Branch 15 matapos nyang hatulan ng guilty si Palparan at dalawang iba pa.
Tuwa ang makikita sa mga kaanak at tagasuporta nina Empeño at Cadapan dahil sa nakamit nilang hustisya.
Habang binabasa ang sentensya ay sinigawan pa ni Palparan si Judge Tamayo ng … “Duwag ka Judge, napakaduwag mo.”
Binalaan ni Judge Tamayo ng contempt si Palparan subalit sumagot pa ang dating heneral na makukulong rin naman sila sabay pagmumura pa umano sa hukom.
Sa kanyang desisyon, ipinag-utos ni Judge Tamayo na ilipat na sa New Bilibid Prison (NBP) si Palparan at dalawang kapwa akusado mula sa kanilang Custodial Center sa Fort Bonifacio.
Gayunman, umapela ang mga abogado ni Palparan na panatilihin muna sila sa Fort Bonifacio dahil may nakabinbin pa silang kaso sa Malolos Regional Trial Court.
- Latest