Bag ng mga estudyante sinunog ng school admin

 

MANILA, Philippines — Pinagbabakasyon ni Education Sec. Leonor Briones ang isang school administrator sa Bicol na sinasabing nag-utos na sunugin ang mga bag ng mga senior high school students nito kamakailan.

Ayon kay Sec. Briones, pinadalhan na nila ng liham si Alexander James Jaucian ng Bicol Central Academy, isang private school sa Libmanan, Camarines Sur at hinihingian ng paliwanag hinggil sa insidente, na ang video ay na-upload sa social networking sites.

Sa naturang video, maki­kita ang mga senior high school students habang nakalinya at pinapanood ang kanilang mga sinusunog na bag, na naglalaman ng mga cell phone at mga laptop, habang isang lalaki ang su­misigaw sa kanila ng, “Stupid pala kayo eh!”

Sinasabing ikinagalit ng school official na lumabag ang mga estudyante sa utos na ‘wag magdala ng malala­king bag dahil magsusuot sila ng business attire ng araw na iyon, bilang pansamantalang kahalili ng kanilang mga guro na dumadalo sa isang seminar. 

Sinabi ni Briones, kung mapapatunayang guilty at may nilabag na mga panuntunan ay maaaring matanggalan ng permit to operate ang paaralan, at maaari ring tanggalan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan.

Ani Briones, ang mga pribadong paaralan na nag-aalok ng junior at senior high schools sa bansa ay tumatanggap ng financial assistance mula sa pamahalaan kada taon, at maaari aniya nila itong tanggalin.

Hinikayat din niya ang mga magulang ng mga naapektuhang mga bata na maghain ng kaukulang kaso laban sa school officials na nag-utos ng panununog sa mga bag ng kanilang mga anak.

“On the part of the Department of Education, nag-umpisa na kami ng formal investigation,” ani Briones.

Show comments