Pagre-resign ni Duterte suntok sa buwan – Leni
MANILA, Philippines — Naniniwala ang kampo ni Vice President Leni Robredo na suntok sa buwan ang pagre-resign ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, lead counsel ng bise presidente, hindi mangyayari ang pagbibitiw ng Chief Executive dahil matatalo umano ang “manok” nito sa electoral protest.
“Insofar as we are concerned, President Duterte’s resignation will never happen because Mr. Marcos will never win his electoral protest,” wika ni Atty. Macalintal bilang sagot sa pahayag kahapon ni Presidential spokesperson Harry Roque na maaaring gawin nga ng Pangulo ang pangakong pagbibitiw kapag nanalo si dating senador Bongbong Marcos sa isinampa nitong electoral protest laban kay Robredo.
Ani Roque, nag-aalala ang Pangulo sa hahalili sa kanya dahil gusto nito ng “better qualified” person na kapalit.
“If there’s a better leader or if there’s a qualified leader to take over and he has said that Senator Bongbong Marcos is one of the better qualified leaders to succeed him, if there’s developments and he will win the protest and he becomes vice president, yes, he will make true on his word,” ani Roque sa idinaos na press briefing.
Sa panig naman ni Sen. Bam Aquino, sinabi nitong sa dinami-daming beses na sinabi ni Duterte na magre-resign siya, wala na siguro umano ang naniniwala pa.
Imbes umanong usaping pagre-resign at pag-iinsulto kay Robredo, mas mahalaga na aksyunan ang mabibigat na problema ng bayan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo at pagpasok ng ilegal na droga sa Customs.
“Naniniwala ako sa naging pahayag ni VP Leni nung nakaraang araw: sa dulo ng lahat, mananaig ang katotohanan,” ani Aquino.
Related video:
- Latest