PMA official na naglustay ng P15-M, kalaboso na

“Lt Col. Hector Maraña is now under intense custody nandito na siya sa atin sa maximum security cell natin dito sa loob ng Camp Aguinaldo,” sabi ni AFP spokesman Col. Edgard Arevalo habang hinihintay pa ang ilang mga proseso para mailipat ang opisyal sa New Bilibid Prison (NBP).

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso na ngayon sa maximum security cell ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo ang dating comptroller ng Philippine Military (PMA) matapos na mapatunayang guilty sa paglulustay ng P15 milyong pera ng mga kadete.

“Lt Col. Hector Maraña is now under intense custody nandito na siya sa atin sa maximum security cell natin dito sa loob ng Camp Aguinaldo,” sabi ni AFP spokesman Col. Edgard Arevalo habang hinihintay pa ang ilang mga proseso para mailipat ang opisyal sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito’y matapos na pagtibayin kamakalawa ng gabi ni Pangulong Duterte ang hatol na guilty ng AFP General Court Martial laban kay Maraña matapos itong isalang sa paglilitis. Si Maraña ng PMA Class 1994 ay nahatulang makulong ng 6-10 taon.

Sinabi ni Arevalo na tatlong provisions sa Articles of War (AW) ang nilabag ni Maraña dahilan para isailalim siya sa Court Martial partikular ang AW 95 fraud against the government, AW 96 conduct unbecoming of an officer and a gentleman at AW 97 conduct prejudicial to good order and discipline.

Binasahan ng sakdal si Maraña noong Hunyo 4, 2014 at ibinaba ang hatol noong Hulyo 12, 2018. Kamakalawa ng gabi ay pinagtibay na ito matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang kaniyang dismissal order.

Bukod sa makukulong si Maraña, dishounorable discharge rin ito sa serbisyo at tatanggalin lahat ng kaniyang mga benepisyo bukod pa sa ipinasasauli rin ang nakulimbat nitong P15-M pera ng mga kadete noong ito pa ang Ingat Yaman sa PMA Cadet Corps.

Show comments