Naaksidenteng tsuper, sinaklolohan na, nanaksak pa

MANILA, Philippines — Arestado ang isang driver makaraang saksakin ang isang mensahero na tumulong sa kanya makaraang sumalpok ang minamanehong tricycle sa guardhouse ng isang subdibisyon sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Ronaldo Jareno, 37, residente ng Domingo St., Damong Maliit, Brgy, Nagkaisang Nayon, Quezon City.

Nakaratay naman sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Neil Licanda, 33, ng Santo Tomas Village 4, Brgy. 168 Deparo, Caloocan City.

 Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-4:15 ng hapon sa harapan ng BF Homes Subdivision, Phase 1 Brgy. 169 Caloocan City.  Ayon sa guwardiya ng subdibisyon, napakatulin umano ng takbo ng tricycle na minamaneho ni Jareno hanggang sa sumalpok sa kanilang guardhouse.

Tiyempo naman na nasa lugar ang biktimang si Licanda na unang sumaklolo kay Jareno. Ngunit sa hindi mabatid na dahilan, nagalit ang suspek  na bumunot ng patalim at tatlong beses na sinaksak sa katawan si Licanda saka tumakbo papalayo sa lugar.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 6 ngunit hindi agad naabutan ang tumakas na suspek. Alas-11:30 ng gabi nang madakip ng mga pulis ang suspek sa ikinasang follow-up operation sa bahay niya.

Ayon sa mga saksi, tila may tinatakasan umano ang suspek nang maganap ang aksidente.  Ipinasailalim naman sa medical test ang suspek upang mabatid kung nasa ilalim siya ng impluwensya ng iligal na droga.

Show comments