Out-of-school youth priority sa summer job

Ayon kay Angara, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga nasabing kabataan sa ilalim ng Republic Act 10917 o ang batas na nag-amyenda sa Special Program for the Employment of Students (SPES) na inisponsor ng senador. Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Upang makabalik sa paaralan at maipagpatuloy ang pag-aaral, iginiit kahapon ni Sen. Sonny Angara na dapat bigyang prayoridad sa mga summer job ng gobyerno ang mga out-of-school youth o mga kabataang natigil sa pag-aaral.

Ayon kay Angara, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga nasabing kabataan sa ilalim ng Republic Act 10917 o ang batas na nag-amyenda sa Special Program for the Employment of Students (SPES) na inisponsor ng senador.

Base sa orihinal na SPES Law, hinihimok ang mga establisimyento at ang mga ahensya ng gobyerno na pansamantalang ipasok sa kani-kanilang tanggapan ang mga mahihirap na mag-aaral sa mga panahong nakabakasyon ang mga ito tulad ng summer at Christmas vacations. 

Upang mas mapalakas ang programa, pinalawak ang sakop nito sa pamamagitan ng pag-empleyo sa mga out-of-school-youth, gayundin sa mga estudyante ng kolehiyo at tech-voc anumang araw sa buong taon. 

Ang high school students, gayunman ay maaari lamang makapagtrabaho pansamantala sa panahon ng mga bakasyon. 

Bukod sa mga nabanggit na programa sa ilalim ng RA 10917, itinaas din ang age limit ng mga benepisyaryo.

Kung dati ay mga kabataan lamang mula edad 15 hanggang 25 ang sakop ng batas, ngayon ay mula 15-30 taong gulang na.

Maging ang SPES employment ng mga ito ay pinahaba rin dahil kung dati ay 20 hanggang 52 employment days lamang, sa pinalawak na SPES ay magiging 20-78 days ang kanilang pansamantalang pagtratrabaho.  

Ayon pa rin sa naturang batas, 60 porsyento ng sasahurin ng mga benepisyaryo ay magmumula sa kanilang employer habang 40 porsyento ang sasagutin ng gobyerno.

Show comments