6 pang palengke sa Maynila, moderno na

MANILA, Philippines — Moderno na rin ang anim pang mga palengke sa Maynila.

Ito naman ang binig­yang-diin ni Manila Mayor Joseph Estrada matapos niyang tiyakin sa mga Manilenyo na aayusin niya ang rehabilitasyon ng mga palengke upang maging competitive sa ibang supermarkets.

“Tulad ng aking ipina­ngako, pagagandahin at isasamoderno ang mga luma at nasisirang merkado sa Maynila. Natapos na ang pagkukumpuni at pagsa­saayos ng 6 pang palengke na maipagmamalaki ang bagong itsura ng mga ito,” sabi ni Estrada.

Ang anim na pamilihan na inayos at pinaganda ay ang Obrero Public Market sa Blumentritt Street, Sta. Cruz; Pampanga Public Market sa Pampanga Street, Tondo; Wagas Market sa Wagas Street, Tondo; Baseco Market sa Baseco Compound, Port Area sa District 5; Bambang Market sa Bambang Street, Tondo at ang Pandacan Market.

Ayon kay Erap, pinondohan ng pamahalaang lungsod ng mahigit sa P100 milyon ang mga proyektong ito mula sa kanilang multi-milyong rehabilitasyon at pagsasa-moderno ng mga palengkeng publiko sa Maynila.

Ang mga naturang palengke ay pininturahan, inayos ang instalasyon ng kawad ng elektrisidad, kinabitan ng mga bagong ilaw, ginawan ng mga bagong imburnal at kanal, inayos ang linya ng tubig, kinabitan ng sahig na tisa, pinalitan ang mga lumang kubeta, nilagyan ng mga bagong pinto at bintana, kinabitan ng mga bagong bubong at marami pang iba na inayos at kinumpuni, ayon kina City Engr. Roger Legaspi at City Market Administrator Annie Balboa.

Show comments