Batas sa free college ipatupad na - Bam

MANILA, Philippines — Kinalampag ni Senador Bam Aquino ang Commission on Higher Education (CHED) sa kabiguan nitong ipatupad nang buo ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nagbibigay ng libreng tuition at iba pang gastusin sa miscellaneous sa universities and colleges (SUCs). 

Ipinaalala ni Sen. Bam, principal sponsor at co-author ng RA 10931 o ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, sa CHED na nagkabisa ang batas noong August 18, 2017 at dapat saklaw na ang 2nd semester ng school year 2017-2018 gaya nang nabanggit sa bicameral conference at sa ratipikasyon ng panukala sa Senado.

Bukod pa rito, ito ang ipinangako ng CHED sa tanggapan ni Bam noon sa pagdinig ng budget ng ahensiya. Naglaan ang Kongreso at Senado ng P40 bilyon sa 2018 national budget para sa implementasyon nito.

Sa batas na ito, mabibigyan ang mga estudyante ng libreng edukasyon sa state universities and colleges, local universities and colleges at vocational schools ng TESDA.

Sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin. Mabibigyan din ng scholarship grants ang mga estud­yante ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad.

Isa pang benepisyo ng panukala ay ang loan program, kung saan maaaring mangutang ang mga estudyante para sa ibang gastusin sa pag-aaral.

Ilang taon ding nabinbin ang panukala sa Kongreso bago ito naipasa sa panahon ni Bam bilang chairman ng Committee on Education noong 17th Congress. Ito ang ika-19 batas niya bilang senador.

Show comments