Daan-daang evacuees sa Albay, nagkakasakit na

Legazpi City, Albay, Philippines — Nagsimula nang magkasakit ang daan-daang mga evacuees sanhi ng mahirap na kalagayan sa loob ng 31- evacuation center sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Mt. Mayon.

Sa pulong pamamahayag, sinabi ni Dr.Antonio Loduvice, provincial health officer ng Albay, simula noong nakaraang linggo hanggang kahapon ay nakapagtala na sila ng 457 mga evacuees na nagkasakit at ilan dito ay naisugod sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital sa Ligao City, Bicol Regional Traning and Teaching Hospital sa Legazpi City at Ziga Memorial District Hospital sa Tabaco City.

Ayon kay Loduvice, 238 sa mga nagkasakit ang nagkaroon ng acute respiratory infection at sipon habang nasa 100 evacuees ang tinamaan ng lagnat,sakit ng ulo,chicken pox, pagdudumi, pagkahilo, hypertension at iba pa.

Sa ngayon, nangangailangan ang provincial health office ng P12 milyong buwanang budget para suportahan ang pangangailangan sa gamot at iba pang medical expenses ng may 26,971 evacuees o 6,973 pamilya na nagmula sa mga danger zone sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga, Malilipot at Sto.Domingo at mga lungsod ng Tabaco at Ligao.

Pinauwi naman kahapon ni Mayor Noel Rosal ang mahigit 11-libong evacuees ng Legazpi City mula sa mga barangay ng Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan at Padang dahil nasa labas sila ng 6-km permanent danger zone.

Show comments