DOLE: Higit 1M OFWs nakaalis ngayong 2017

MANILA, Philippines — Higit isang milyong Pilipino ang nakapagtrabaho sa ibang bansa, habang libu-libo ang bumalik sa unang siyam na buwan ng taon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Base sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nasa 1,281,506 na overseas Filipino workers (OFWs) ang nakalabas ng bansa, kung saan 1,058,029 ay land-based workers, habang 223,477 ang sea-based workers.

Mula sa naturang kabuuang bilang, 736,684 dito ay mga dati nang OFW, habang ang 321,345 ay baguhan.

Ipinatigil ng POEA nitong nakaraang buwan ang pagpapaalis ng mga baguhan upang malimitahan ang illegal recruitment.

Samantala, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na halos 1,170,514 million OFWs ang natulungan nila.

Aniya 54,470 OFW at kanilang mga pamilya ang nakinabang sa intensified reintegration programs ng Overseas Workers Welfare Administration kabilang ang skills training at livelihood assistance.

Umabot naman sa 36,438 OFWs, karamihan ay mula Middle East, ang napauwi at nabigyan ng P20,000 financial aid.

Gumastos ang DOLE ng P514,412,350.21 na ipinangtulong as mga OFWs.

 

Show comments