2 sundalo sugatan sa atake ng NPA terrorists

MANILA, Philippines — Dalawang sundalo ang nasugatan makaraang tambangan ng mga teroristang New People’s Army (NPA) habang nagsasagawa ng humanitarian assistance sa mga biktima ng bagyong Urduja sa bayan ng Catubig, Samar kamakalawa.

Kasalukuyang ginagamot sa NS provincial Hospital ang mga biktima na sina Corporal Yzazel M. Laure at PFC Ronald L. Gomez na kapwa miyembro ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Sa imbestigasyon ni 2nd LT Michelle Estares, civil military operation office ng 20th Infantry Battalion, dakong alas-3:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa Barangay Hinagono­yan sa nasabing ba­yan.

Habang tumutulong umano ang dalawa sa mga biktima ng bagyong Urduja sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang inatake ng mga armadong NPA terrorist.

Nagkaroon ng putukan sa pagitan ng militar at mga terorista na tumagal ng halos isang oras kung saan nasugatan ang mga biktima.

Mabilis na tumakas ang grupo ng terorista matapos ang palitan ng putok habang isinugod sa pagamutan ang dalawang sundalo.

Patuloy naman ang hot pursuit operation ng militar laban sa NPA terrorists.

Show comments