Price watch sa Noche Buena products, paiigtingin sa Manila

MANILA, Philippines — Habang papalapit ang Pasko, inatasan ni Manila City Mayor Joseph Estrada  ang Market Administration na doblehin ang mahigpit na pagbabantay sa mga palengke sa lungsod upang maiwasan ang pang­aabuso ng mga vendor.

Ayon kay Estrada, bagama’t inaasahan ang bahagyang pagtaas ng mga produktong pang-Noche Buena sa mga pampublikong palengke, kailangang hindi ito samantalahin ng mga vendor.

Sinabi ni Estrada, ayaw niyang makatanggap ng anumang reklamo tungkol sa mga abusadong vendor at stallholder na nananamantala sa mga konsumer lalo’t mataas ang demand sa mga ganitong produkto.

Dahil nagsimula na ang “ber” months, karaniwan aniyang tumataas ang presyo ng mga Noche Buena items, kadalasan ay sobrang mas mataas pa sa suggested retail price partikular na sa pagsisimula ng Nobyembre hanggang Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ilan sa mga popular na Noche Buena products ay ang pasta, cheese balls, canned fruit cocktails, hams, macaroni, spaghetti at tomato sauce, at ma­ging mga prutas.

Sa pamamagitan ng SRP list na binigay ng Department of Trade and Industry (DTI), sinabi ng Market Administration Office (MAO) ng City Hall na sinimulan na nila ang pagbabantay ng mga presyo ng hindi lang mga Noche Buena products kundi pati na rin ang mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, karne, at asukal.

Tiniyak naman ni  MAO chief Annie Balboa, inatasan na ang mga market masters sa 17 public markets na umpisahan na ang araw-araw na inspeksyon sa kani-kanilang palengke.

Dahil sa mahigpit na kompetisyon ng mga malalaking pribadong supermarket at mga malls, sinabi ni Balboa na madalas, mas mababa pa sa SRP ang presyo sa mga public markets ng lungsod.

Show comments