Mga guro sa Navotas, magbabantay kontra ‘cyber bullying’

MANILA, Philippines — Maliban sa pagtuturo sa mga mag-aaral, magsisilbi na ring tagabantay ang mga guro ng Navotas kontra ‘cyber bullying’ upang mapigilan ang lumalalang pag-abuso sa mga kabataan gamit ang teknolohiya.

Ito ay makaraang 159 mga guro sa mga pampublikong elementarya at high school ang sumailalim sa pagsasanay at seminar ukol sa “online bullying”.

Dito tinuruan ang mga guro upang ma-detect kung may nagaganap na pambu-bully sa kanilang mga mag-aaral gamit ang social media, pag-iwas at paggabay sa mga bata na nabibiktima nito.

Sa datos ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (ACG), nakapagtala ng 70.74 porsyento ng pagtaas sa mga kaso ng cyber bullying sa bansa nitong taong 2016.

Kadalasan itong nag­reresulta sa depresyon sa mga kabataan, pag-iwas maki­salamuha sa mga kapwa kabataan, pagbaba ng interes sa pag-aaral at ang pinakamabigat ay ang posibleng pagkitil ng sariling buhay.

Sinabi naman ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na mas mapanganib na uri ng bullying ang “cyber bullying” dahil sa pangmatagalang epekto nito sa mga bata.

Dahil aniya sa kadalian ng access sa internet, ma­ging mga menor-de-edad ay malaya nang magkaroon ng social media accounts kung saan bukas sila sa pang-aabuso.

Obligasyon umano ng mga matatanda kabilang ang mga guro para gabayan o bantayan ang mga kabataan.

Show comments