CBCP tutol na gawing pari ang mga may asawa

MANILA, Philippines — Hindi pabor ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na payagang maging pari ang mga lalaking may-asawa para lang matugunan ang problema sa kakulangan ng mga katulad nila sa bansa.

Ito’y kasunod ng pag-apruba ni Pope Francis sa pagdaraos ng mga debate at dayalogo sa pagitan ng mga lider ng Simbahang Katolika at iba’t ibang sektor upang matukoy kung dapat payagang magsilbi sa Simbahan bilang pari ang mga may-asawa at pamilyadong lalaki.

Sinabi ni Secillano na wala pang hakbang o pag-uusap ang CBCP ukol sa isyu kaya’t wala silang mailalabas na opisyal na pahayag kung pabor o kontra sila sa nais ni Pope Francis.

Sa personal umanong pananaw ni Secillano, magiging masalimuot ang buhay ng mga pari kapag may-asawa sila gayundin ng mga lalaking may-asawa na papayagang mag-pari.

“Ngayon pa nga lang na wala pa talagang batas na pumapayag sa mga pari na mag-asawa ay nagkakaroon na tayo agad ng issue tungkol sa corruption, issue tungkol sa mga pagnanakaw, issue na kinukuha kuno yung koleksyon o di kaya pondo ng simbahan. Paano pa kung talagang may totoong pamilya sila na sinusuportahan?” ani Secillano.

Bagamat kinikilala umano ni Pope Francis ang napakatandang tradisyon ng Simbahang Katolika ukol sa celibacy o hindi pag-aasawa at pagkakaroon ng sekswal na relasyon ng mga alagad ng Simbahan, mulat naman umano ang pinakamataas na lider ng Catholic Church sa posibilidad ng pag-aasawa at pagkakaroon ng sariling pamilya ng mga pari.

Show comments