‘Mabulok ka sa kulungan!’

Zubiri sa lider ng Aegis Juris

MANILA, Philippines — “Mabulok siya doon dahil unang-una, masyado siyang duwag.”

Ito ang binigyang-diin kahapon ni Sen. Migz Zubiri sa lider ng Aegis Juris na si Arvin Balag dahil sa pagtanggi nitong umamin na siya ang lider ng kanilang fraternity sa nakaraang hearing ng Senado.

Nakadetine sa Senate detention facility si Balag matapos siyang i-contempt ng committee on public order and dangerous drugs ni Sen. Panfilo Lacson na nag-imbestiga sa pagkamatay ng UST freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Unang-una masyado siyang duwag. Ayaw niyang aminin na siya yung leader ng kanilang fraternity. Tama yung sinabi ni Senator Grace (Poe) na anong klaseng leader ito, na he doesn’t man up,” giit pa ng senador sa radio dzBB.

Wika pa ni Zubiri, malinaw sa leaflets ng fraternity na si Balag ang pangulo pero ng tanungin siya sa hearing ay tumatanggi ito.

“Klarong-klaro naman sa mga leaflets sa mga pinirmahang dokumento sa eskwelahan na siya yung talagang head na tinatawag na GP,” giit pa ni Zubiri.

“Siya po yung head ng fraternity kaya galit na galit yung mga myembro dahil common knowledge naman na siya yung leader, ayaw niyang aminin, ginagago na naman yung committee namin. Kaya hindi po kami pumayag at we placed him under contempt and arrest,” dagdag pa nito.

Mananatili sa detention si Balag hanggang sa muling mag-resume ang sesyon ng Senado sa susunod na buwan.

Show comments