4 terror group banta pa rin - AFP

Tinukoy ni AFP spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla ang Ansarul Khilafah Philippines (AKP), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf group at Maute group. PCOO

MANILA, Philippines — Nananatili pa ring banta sa seguridad ng Mindanao ang apat na terrorist groups kahit nasawi na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at Dr. Mahmoud Amad.

Tinukoy ni AFP spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla ang Ansarul Khilafah Philippines (AKP), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf group at Maute group.

Aniya, kahit napatay na ang mga lider na sina Hapilon, Omar at Mahmoud ay mayroon pa ring natitirang mga miyembro ito na may kakayanang maghasik ng terorismo sa ilang lugar sa Mindanao.

“Halos pulbos na sila pero hindi tayo makasisiguro,” paliwanag ni Gen. Padilla.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Presidential spokesman Ernesto Abella, hindi automatic na puwede nang alisin ang Martial Law sa Mindanao matapos masawi sina Hapilon, Omar Maute at Dr. Mahmoud.

“Killing of three major terrorist leaders does not automatically lift the martial law declaration in Mindanao. President Duterte to meet cabinet officials regarding the Martial Law,” sabi ni Abella.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na babawiin lamang nito ang Martial Law kapag napatay o naaresto na ang lahat ng terorista sa rehiyon.

“When the time came, I declared martial law. Everybody is asking when will it stop? It will not stop until the last terrorist is taken out,” wika ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi.

Sa rekord ng militar, simula ng sumiklab ang labanan noong Mayo 23 ay nasa 1,108 na ang kabuuang death toll. Kabilang dito ang 897 nasawi sa panig ng Maute-ISIS, 164 sundalo at 47 sibilyan.

Nasa 1,777 ang mga nasagip na bihag habang nakarekober ng 850 mga armas.

Show comments