Bato aminadong mas maraming mahihirap ang namamatay sa drug war

MANILA, Philippines — Inamin ni Philippine Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na mas marami talagang namamatay na mahihirap kaysa mayayaman sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sinabi ni dela Rosa na mas marami kasing tulak ang mahihirap habang ang mga mayayaman ang drug lord na kakaunti lamang.

“Totoo naman talaga. Mas maraming mahirap ang nagbebenta ng droga kaysa sa mayaman kasi you have to understand the structure of the drug pyramid,” paliwanag ni PNP chief.

“‘Yung mayayaman na drug lord, iisa ang drug lord sa taas, pababa ‘yan. ‘Yung pinakamababa ‘yung street-pushing level, puro mahirap ‘yun,” dagdag niya.

BASAHIN: Bato sa mga kritiko: Ingrato kayo!

Ayon sa SWS survey, tatlo sa limang Pilipino ang naniniwalang puro mahihirap lamang ang target ng war on drugs.

Pinabulaanan naman ito ni dela Rosa at tinukoy ang ilan sa malalaking pangalan na naitumba ng PNP.

“Bakit mahirap ba si Parojinog? Mahirap ba si Espinosa? Hindi naman,” sabi niya patukoy kina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Samantala, napuno na si dela Rosa at binira ang kanilang mga kritiko.

“You can criticize us to high heavens, but I can tell you straight sa mata: Inggrato kayo,” sabi ng hepe ng PNP.

“Nakinabang din kayo sa peace and order na dinulot ng war on drugs. You can criticize us… Inggrato kayo.”

 

Show comments