Digong: Mabaril sana ako sa ulo

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabaril na siya sa ulo kaya palagi umano siyang bumabalik sa Marawi City kung saan mayroon pa ring kaguluhan upang mapatunayan na sinsero siya sa pagtugis sa mga kriminal, drug lords at terorista sa bansa. Facebook/PCO, File

MANILA, Philippines -  Nais ni Pangulong Duterte na mabaril na siya sa ulo kaya palagi umano siyang bumabalik sa Marawi City kung saan mayroon pa ring kaguluhan upang mapatunayan na sinsero siya sa pagtugis sa mga kriminal, drug lords at terorista sa bansa.

“Kaya palagi akong nandoon, hoping also that I’d get a bullet in the head and probably that would satisfy everybody na totohanan ‘yung kanya,” sabi ng Pangulo sa isang talumpati kamakalawa ng gabi.

Ayon sa Pangulo, nasasaktan siya araw-araw tuwing may mababalitaan na may patay na sundalo sa Marawi.

Nagsimula ang kaguluhan sa Marawi noong Mayo 23 at umaabot na sa 700 ang namamatay, 100 dito ay mula sa tropa ng gobyerno.

Matatandaan na dalawang beses ng bumalik sa Marawi City si Duterte upang ipakita ang suporta at itaas ang morale ng mga sundalo.

Sinabi pa ng Pangulo na masakit para sa kanya na nasa 100 pulis na at 200 sundalo na namatay buhat ng simulan nya ang kampanya laban sa ilegal na droga.

“Huwag mo akong gawaing g***. I was there but I was also to assure them. Masakit sa akin kasi I proclaimed martial law there and I sent the soldiers there to die,” pahayag ni Duterte.

Muli nitong ipinaliwanag ang naging simula ng kaguluhan sa Marawi City na dapat ay maghahain lamang ng warrant para sa isang kaso ng iligal na droga.

“Then it went out of proportion then we discovered na they were really preparing to proclaim Marawi as the first caliphate city,” pahayag ni Duterte.

Nakuha na umano ng Maute group ang mga tunnel at maging mga pampasabog kaya nahirapan na ang tropa ng gobyerno.

“Kaya hirap tayo nga­yon and what is stopping us now is there are 300 --- baka kasama ‘yung pari doon, who are held hostages. Gusto ng Army doon i-assault. Sabi ko “Huwag. We will just have to wait it out.” If it would take 10 years there, eh ilan na lang ang naiwan diyan, and you’d have to give them food,” dgdag ni Duterte.

Idinagdag pa ni Du­terte na nagiging mahirap din ang pagtapos sa Maute group dahil may hawak ang mga itong bihag.

Hinikayat din ni Duterte ang mga mamamayan na mag-isip kung ano ang mangyayari kung ang nagaganap sa Marawi City ay mangyayari sa limang siyudad sa Pilipinas.

Show comments