Curfew sa 6 probinsiya sa Mindanao

Ayon sa Pangulo, kabilang dito ang Lanao del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, Sultan Kudarat, North Cotabato at Zamboanga. File

MANILA, Philippines - Nais ni Pangulong Duterte na magpatupad ng curfew sa anim na lalawigan sa Mindanao para maprotektahan ang mga sibilyan sa gitna ng pagpapatupad ng Batas Militar.

Ayon sa Pangulo, kabilang dito ang Lanao del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, Sultan Kudarat, North Cotabato at Zamboanga.

Kapag mayroong curfew, malilimitahan na ang galaw ng mga mamamayan kapag dis-oras ng gabi at karaniwang saklaw nito ang mga kabataan at menor de edad.

Samantala, mas hinigpitan pa ngayon ang seguridad sa National Highway sa Cotabato-Davao Highway ng mga sundalo sa ilalim ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army.

Ayon kay Major Calvin Macatangay, tagapagsalita ng 602 Brigade, bahagi ito ng kautusan na ipinababa sa kanila ng national headquarters, kasunod ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Gayunman, tiniyak ni Macatangay na walang malalabag na anumang karapatang-pantao habang ipinatutupad nila ang security check sa highway.

Wala ring utos sa kanila na suspendihin ang tinatawag na, ‘writ of habeas corpus’.

Show comments