Tiniyak ni Digong malupit na Martial Law

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Pangulong Duterte na mas magiging malupit at mabagsik siya sa pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao. 

“Martial law is martial law ha. So kayong mga kababayan ko, you have experienced martial law, it would not be any different from what the President Marcos did. I’ll be harsh,” ani Duterte.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, umaabot na sa 5 sundalo at 4 na pulis ang nasawi habang 35 pa ang nasugatan sa paglusob ng tinatayang 50 hanggang 100 miyembro ng Maute sa lungsod ng Marawi nitong Martes.

Bandang alas-2 ng hapon nang lumusob sa Brgy. Basak Malutlut sa lungsod ang nasa 15 Maute na unang nakasagupa ng security forces pero habang nagbabakbakan ay nagkaroon ng reinforcement ang mga kalaban na umabot sa 50 hanggang 100 terorista.

“Our troops reacted properly but as of tonight, the Maute group burned several facilities, the St. Mary’s Church, city jail, the Ninoy Aquino school and the Dansalan college. The Maute fighters still occupy also the main street of Marawi City,” pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Aniya, nagpadala na ng karagdagang puwersa ang AFP mula sa Zamboanga City at Maynila patungong Marawi City.

Aabot sa 11 barangay ang inokupa ng mga tero­rista na kinabibilangan ng Brgys. Bangon, Saber, Tuca, Banggolo, Naga, Monkado colony, Caloocan, Marinaut, Mapandi, Matampay at Basak Malulut.

Bunga ng insidente ay nasa 800 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan. 

Sa kabila nito, sinabi ni Arevalo na ‘under control’ na ang sitwasyon sa lugar at napapaligiran na ng tropa ng pamahalaan ang mga gusali na inokupa ng Maute.

Kinumpirma rin ni Arevalo na kasama ng Maute ang high value target na si Abu Sayyaf Commander Isnilon Hapilon.

“If they (Maute Group) have areas... buildings or structure occupied this does represent the entirety of Marawi City,” ayon pa kay Arevalo kung saan ang tanging hamon sa security forces ay ang malipol ang mga snipers ng Maute terrorists na nakapuwesto sa ibabaw ng mga inokupa ng mga itong gusali.

Tatagal ng 60 araw ang Martial Law sa Mindanao. 

Sa ilalim ng Konstitusyon, may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magdeklara ng martial law sa loob ng 60 araw kapag nagkaroon ng “invasion o rebellion” upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan.

Pero handa raw si Pangulong Duterte ng kahit isang taong Martial Law sa Mindanao pero mas mabuti kung matapos ang problema sa loob ng isang buwan.

“How long? Well, if it would take a year to do it, then we will do it. If it’s over within a month, then I’d be happy,” wika ng Pangulo. 

Kinakailangan namang ipaalam ng Pangulo sa Kongreso sa loob ng 48 na oras ang dahilan ng kaniyang pagdeklara ng Martial Law.

Show comments