Pagbubukas ng klase sa 2018 gagawing sabay-sabay

MANILA, Philippines -  Isinusulong na sa Se­nado ang panukalang gawing sabay-sabay ang pagbubukas ng klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Pilipinas simula sa school year 2018-2019.

Sa Senate Bill 1432 ni Sen. Francis Escudero, nais nitong magsimula ang school year sa ikalawang Lunes ng Agosto at hindi lalampas sa ikalawang Lunes ng Setyembre.

Sinabi pa ni Escudero, chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture na dapat isama sa education system ng bansa ang pagbabago sa academic calendar.

Ipinunto pa nito na ang academic calendar ng karamihan sa mga institusyon sa buong mundo ay nagsisimula sa Agosto o Setyembre.

Kung isasabay aniya ang academic calendar ng mga eskuwelahan sa Pilipinas, makatutulong ito sa pagsasagawa ng research sa pagitan ng mga local at international universities.

Makakatulong rin aniya ang mga estudyante na ang pamilya ay mula sa mga agricultural communities sa pagsasaka ng kanilang pamilya kung magbubukas ang klase sa pagitan ng Agosto at Setyembre.

Sa kasalukuyan, may mga paaralan na magsisimula ang klase sa Hunyo samantalang ang iba ay magsisimula sa Agosto.

Show comments