Proteksiyon kay Noynoy vs NDF, tiniyak ng Palasyo

MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Mala­cañang ang proteksyon para kay dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ito’y matapos na iutos ng National Democratic Front (NDF) sa Southern Minda­nao na dakpin si Aquino dahil umano sa crimes against humanity at iba pang paglabag sa international human rights law kaugnay sa nangyaring “Kidapawan Massacre.”

Binigyan diin ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, mayroon lamang iisang gobyerno at justice system sa bansa.

Dahil dito, tanging ang “appropriate body” lamang umano ang maaring magdesisyon hinggil sa nangyaring dispersal sa mga magsasaka sa Kidapawan noong nakaraang taon.

Bukod kay dating Pangulong Aquino, tiniyak din ng Malacañang ang proteksyon sa iba pang mga personalidad na kabilang sa announcement ng NDF.

Magugunita na inanunsyo kahapon ng nasabing “revolutionary government” na kanilang kinasuhan sina Aquino, North Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Rep. Nancy Catamco, at ilan pang Government of the Republic of the Philippines (GRP) civilian personalities, military at police officials kaugnay sa nasabing insidente.

Sinabi ng NDF na nakitaan umano ng “People’s Democratic Government” ng “compelling evidence” sina Aquino at iba pang personalidad sa Kidapawan Massacre.

Kanila ring iniutos ang pagdakip kina Aquino at iba pa, at patawan ang mga ito ng nararapat na parusa sa nasabing insidente dahil sa “war crimes, crimes against humanity and other serious violation of international humanitarian law and human rights law.”

Show comments