Kerwin Espinosa ikukulong sa Crame

Si Kerwin ang itinutu­ring na no. 1 drug lord ng Eastern Visayas at ang ama nito ang itinuturong protektor nito.
Interpol via AP

MANILA, Philippines - Ikukulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang umano’y drug lord ng Eastern Visayas na si Rolan “Kerwin” Espinosa sa sandaling maipa-deport na ito sa bansa mula sa Abu Dhabi kung saan ito naaresto nitong Oktubre 17.

Ayon kay PNP Chief P/Director Gen. Ronald dela Rosa, ito’y upang matiyak ang seguridad ni Kerwin kasunod ng pagkakapatay sa kanyang amang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Kasabay nito, siniguro ni dela Rosa na hindi matutulad sa kaniyang ama na napatay sa selda si Kerwin.

“Bibigyan natin ng protection si Kerwin pagbalik sa Pilipinas siguro buhay yun. hindi mamamatay, ako bahala,” paniniyak ng PNP Chief. 

Sa kasalukuyan, malapit ng matapos ang pagpoproseso ng pagpapa-deport kay Kerwin mula sa Abu Dhabi kung saan susunduin ito ng PNP ope­ratives para maiuwi na sa bansa. 

Inaasahan naman ayon pa kay dela Rosa na hindi na magtatagal at maaring sa susunod na linggo ay maibalik na si Kerwin sa Pilipinas.

Si Kerwin ang itinutu­ring na no. 1 drug lord ng Eastern Visayas at ang ama nito ang itinuturong protektor nito.

Nabatid na hiniling ni Kerwin na isailalim siya sa kustodya ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) dahil natatakot siya para sa kaniyang buhay lalo na napatay sa kulungan ang kaniyang ama.

Show comments