‘Pagpapalabas ng ‘sex video’ ni Leila, ‘di ko iniutos’ - Alvarez

MANILA, Philippines - Wala umanong kautusan si House Speaker Pantaleon Alvarez sa Committee on Justice na ipalabas ang umanoy sex video ni Senador Leila de Lima.

Paglilinaw ni Alvarez, ang pahayag niya na pumapayag siya na maiprisinta sa pagdinig ang nasabing video  ay hindi isang direktiba kundi isang pananaw lang  na hindi siya tutol kung magpasya ang komite na panoorin ito.

Giit pa ni Speaker,na hindi siya miyembro ng komite at ayaw niya itong pakialaman kaya ang pananaw niya ay ayos lang sa kanya kung gusto nilang panoorin ang sex video sa hearing dahil wala naman umano siyang nakikitang masama dito.
Pinauubaya na lang umano niya  sa chairman ng komite na si  Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na magpasya kung nararapat pa bang maipalabas sa gagawing congressional inquiry ang sinasabing ‘sex video’ ni De Lima, na isinasangkot sa illegal drug trade sa NBP noong panahong ito pa ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Idinagdag pa ni Alvarez na nais din niyang malaman ang posisyon ng iba pang  kongresista tungkol sa kung maaaring maisapubliko ang ‘sex video.’

Ayon pa sa pinakamataas na lider ng Kamara na maaaring hindi na kailangang mapanood pa ng mga kongresista ang ‘sex video’ kung aaminin na lamang ni de Lima ang katotohanan sa relasyon nito sa kanyang dating driver/bodyguard na si Ronnie Dayan

Samantala nauna na rin  sinabi ni Umali na kanila munang aalamin kung mayroon bang kaugnayan o mahalaga sa isinasagawa nilang pagdinig ang pagpapalabas ng ‘sex video’ at titignan din nila kung “authentic” ito bago magpasya kung papanoorin ng kanilang komite.

Pormal namang lumiham ang Makabayan bloc sa Kamara kay Alvarez para umapela sa kanya na huwag ng ipalabas ang nasabing video.

Iginiit ng mga militanteng kongresista na tumutok na lamang sa orihinal na layunin ng imbestigasyon ang komite na alamin kung may mga opisyal na sangkot sa paglaganap ng droga sa NBP.

Binatikos naman ni Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat ang plano ng House majority na ipalabas ang sex tape ng senadora  sa pagdinig  ng Committee on Justice).

“The only clear purpose of the showing is to humiliate Senator de Lima. We owe it to our people to conduct our public hearings according to the highest standards of proper behaviour. We need to be bound by guidelines of decorum and decency, and showing the video will violate those standards,” sabi ni Baguilat.

Sinabi ni Baguilat, ang korte ang tamang lugar para kasuhan si de Lima sa diumano’y relasyon sa mga drug lords.

Show comments