Abby Binay inindorso ng INC para Makati mayor

MANILA, Philippines - Inindorso ng maimpluwensiyang Iglesia ni Cristo si Rep. Abigail “Abby” Binay ng United Nationalist Alliance para sa pagka-alkalde ng lunsod ng Makati kamakalawa ng gabi.

Sa sample ballot na ipinamahagi sa ikalawang distrito ng Makati City, ipinahayag rin ng mga miyembro ng INC ang kanilang suporta sa asawa ni Binay na si Luis Campos na kumakandidatong kongresista.

Pinasalamatan ni Binay ang INC sa pag-endorso nito sa kanya habang nangako siya at ang mga nasa ilalim ng Team Binay na magsusumikap para sa kapa­kanan ng mga residente ng Makati.

“Buong pakumbaba kong tinatanggap ang tiwala at suporta ng Iglesia Ni Cristo. Nangangako kaming lahat sa Team Binay na ipagpapatuloy namin ang sinimulan ni Vice President Jojo Binay. Ang serbisyong subok na ay dadagdagan pa ng serbisyong Abby Binay,” sabi pa ng batang Binay. Sinang-ayunan din ng INC ang kandidatura ng running mate ni Rep. Binay na si Monique Lagdameo at incumbent city councilor and taekwondo champ Monsour del Rosario na tumatakbong kongresista para sa unang distrito ng Makati.

Naiprisinta na ni Rep. Binay ang kanyang mga programa sa traffic, peace and order at informal settlers sa ilang forum kapag nanalo siya sa Mayo 9. Nangako ang mambabatas na itatayo niya ang unang subway ng Pilipinas sa Makati para maibsan ang problema sa trapiko.

Show comments