P18-B utang para sa CCT ipapamana ni PNoy sa susunod na administrasyon

Inihayag kahapon ni ADB President Takehiko Nakao na inihahanda na nila ang 400-million dollars soft loan o utang na may mababang interes lamang. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Ilang buwan na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Aquino subalit magpapamana pa ito ng US$400-M o P18-B na utang mula sa Asian Development Bank (ADB) para suportahan ang kontrobersyal na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) o Conditional Cash Transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay matapos ihayag kahapon ni ADB President Takehiko Nakao na inihahanda na nila ang 400-million dollars soft loan o utang na may mababang interes lamang.

Sinabi ni Nakao na ang pautang ay financial support ng ADB para maipagpatuloy ang CCT program ng susunod na administrasyon.

Inihayag ni Nakao na naengganyo ang ADB na mu­ling pautangin ang Pilipinas dahil nasubaybayan nila ang mahusay na implementasyon ng programa ng gubyerno sa mga mahihirap na pamilya.

Kaugnay nito, inihayag ni DSWD Sec. Dinky Soliman na ang panibagong utang sa ADB ay babayaran ng pamahalaan sa loob ng 25 taon.

Nauna ng umutang ang administrasyong Aquino ng 400-M dollars sa ADB habang 450-M dollars naman ang ipinautang ng World Bank.

Iginiit ni Soliman na ang nasabing mga utang ay naggastos sa mahigit 900-libong pamilyang benepisyaryo ng nasabing programa.

Show comments