LP pagod na sa panunuyo kay Poe

Sen. Grace Poe

MANILA, Philippines - Itinigil na ng Liberal Party (LP) ang panunuyo kay Sen. Grace Poe para maging running mate ni DILG Sec. Mar Roxas.

Inamin ni Senate President Franklin Drilon na malabo na nilang makuha si Poe dahil na rin sa ginagawa nitong pag-iikot sa iba’t ibang unibersidad at pakikipag-usap sa mga organisasyon na indikasyon na tatakbo itong presidente sa 2016 elections.

“In my view, Sen. Grace Poe is already a candidate for president. The writings are on the wall. She will run,” ani Drilon.

Hindi umano gagawin ni Poe ang mga nasabing bagay kung hindi ito tatakbo sa 2016 lalo pa’t hindi madali ang mag-ikot sa buong bansa.

“Unang-una, she has been going around, making speeches to various schools and organizations. Hindi naman gagawin iyan kung hindi ka candidate. Hindi madaling mag-ikot,” ani Drilon.

Hihilingin ni Drilon sa Liberal Party National Executive Council na mag-convene para makapamili na ng ka-tandem ni Roxas.

Ihahanda na rin ng LP ang kanilang kumpletong listahan ng mga kakandidato sa 2016 kabilang na ang mga senador.

Kabilang sa posibleng maging VP ni Roxas sina Batangas Gov. Vilma Santos-Recto, Cong, Leni Robredo, Senators Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes.

Pero sa kaso aniya nina Trillanes at Cayetano, na kapwa miyembro ng Nacionalista Party, dapat magkaroon ng kowalisyon ang mga ito sa LP upang ma-nomina bilang mga posibleng vice presidential candidate ni Roxas. 

Idinagdag nito na panahon na upang tulungan nila itong mamili sa pagbuo ng ticket lalo pa’t papalapit na ang deadline ng pagsusumite ng certificate of candidacy.

Show comments