Pacman kay Binay pa rin!

 Sarangani Rep. Manny Pacquiao. AP Photo/Bullit Marquez

MANILA, Philippines – Hindi lilipat ng suporta si pambansang kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao kay DILG Sec. Mar Roxas.

Ito ang kinumpirma ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza matapos na ihayag ni Yacap partylist Rep. Carol Jane Lopez na kinukumbinsi nila si Pacquiao na suportahan si Roxas sa halip na si Vice-President Jejomar Binay sa 2016 elections.

Si Lopez ay miyem­bro ng oposisyon o minorya sa Kamara subalit isa ito sa nagpapakita ng lantarang pagsuporta kay Roxas sa darating na eleksyon.

Sinabi ng kongresista na matagal na nilang kinakausap si Pacquiao at kinukumbinsi na lumipat sa kampo ni Roxas.

Subalit giit ni Atienza, huwag basta maniniwala sa sinasabi ni Lopez dahil tumawag mismo sa kanya si Pacquiao at sinabing wala itong balak na lumipat ng partido.

Paglilinaw din umano sa kanya ni Pacquiao na hindi siya balimbing at pawang espekulasyon lamang ito ng mga partido para lumakas ang kanilang humihina ng laban sa 2016.

Alam umano ni Pacquiao ang paghihirap at sakripisyo ng taumba­yan sa ilalim ng Aquino government kaya hindi ito kailanman lilipat ng susuportahan.

Samantala, hayagan namang sinabi ni Atienza ang kanyang suporta para kay VP Binay sa 2016 kung saan miyembro rin ng UNA si Pacquiao.

Show comments