Upang madalaw si Jolo Bong humirit ng ‘furlough’ sa korte

MANILA, Philippines – Hiniling ni suspended Sen. Bong Revilla sa Sandiganbayan na payagan siyang makalabas ng kulungan sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame QC para madalaw ang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa isang pagamutan.

Sa 3-pahinang mosyon na isumite ng kampo ni Revilla sa Sandiganbayan 1st division, sinabi ng suspendidong mambabatas na hangad niyang ma­bigyan siya ng graft court ng kahit tatlong oras para makita at makausap ang anak na naka-confine sa Asian Hospital.

Si Jolo Revilla ay inoperahan sa naturang pagamutan dahilan sa pagkakaroon ng dugo sa baga nito makaraang aksidenteng mabaril ang sarili.

Bilang isang ama anya ng isang anak na nasa pagamutan ay nais na makita ang kundisyon nito at tunay na kalagayan sa ospital.

Sinasabi naman ni Atty. Keith Richard Pioquinto, na hindi pa nilagay sa mosyon ang schedule ng posibleng paglabas sa kulungan ng mambabatas dahil dito nila ibabase ang schedule na ibibigay ng ospital sa kanilang pagbisita kay Jolo.

Bunga nito, inatasan naman ng Sandiganbayan ang prosekusyon na magkomento sa mosyon ni Revilla para sa inaasahang paglabas nito sa kulungan.

Show comments