Holdaper na tandem, timbog

MANILA, Philippines – Dalawang holdaper na riding-in-tandem ang nadakip sa isang habulan sa pagitan ng patrol police at ng mga suspect sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.

Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Senior Supt. Rho­derick Armamento ang mga nadakip na sina Jaypee Rodulfo, at Felizardo Del Mundo, 33, kapwa ng Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod.

Sa ulat, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 sa pangunguna ni PO3 James Marteja nang maispatan ang magkaangkas na suspek sa naturang barangay dakong alas-4:30 ng hapon. Nang sitahin, pinasibad ng mga suspek ang motorsiklo sanhi ng habulan. Nagawa namang masakote ng mga pulis ang dalawa at makumpiska sa kanilang posesyon ang isang kalibre .38 baril na may limang bala, isang icepick, dalawang cellular phones at ang Honda Wave motorcycle na gamit ng mga ito.

Iniimbestigahan ngayon ang posibleng partisipasyon ng mga suspek sa serye ng mga panghoholdap sa mga Brgy. Gen. T. De Leon, Marulas, Paso de Blas at East Service Road, Brgy. Canumay.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at concealing deadly weapons.

Show comments