VP Binay hinayaan ng Palasyo na idepensa ang sarili

MANILA, Philippines - Hinayaan ng Malacañang na ipagtanggol ni Vice-President Jejomar Binay ang kanyang sarili mula sa mga alegasyon ng corruption laban dito.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, naniniwala silang kayang ipagtanggol ni VP Binay ang kanyang sarili at pamilya nito kaugnay sa mga alegasyon laban sa kanila kaya hindi na makikialam dito ang Palasyo.

Subalit ng isangkot ang ilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino sa mga anomaly tulad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) tulad ni Budget Sec. Florencio Abad na lider ng Liberal Party (LP) at miyembro ng Balay group ay mabilis ang ginawang pagtatanggol dito ni Lacierda.

Pero ayon kay Lacierda, nangyari ang sinasabing kaso ng katiwalian noong alkalde pa ng Makati si Binay at hindi bilang bahagi ng gabinete ng Pangulo.

Dahil dito, wala aniya sa posisyon ang Malakanyang para magkomento. 

Dagdag pa ni Lacierda, dumipensa na ang bise-presidente batay sa sarili niyang kapasidad habang ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado ay bahagi ng mandato nito.

Show comments