Pinay dinukot, ginahasa sa Libya!

MANILA, Philippines - Isang Pinay nurse ang dinukot at ginahasa ng mga kabataang Libyan sa ka­sagsagan ng mandatory evacuation ng pamahalaan sa libu-libong Pinoy sa Libya.

Ayon kay Foreign Affairs spokesman Charles Jose, tinangay ng mga kabataang Libyan ang Pinay noong Miyerkules sa tapat ng kanyang tirahan at dinala sa hindi malamang lugar.

Sinabi ni Jose na ma­tapos ang dalawang oras, pinakawalan ang Pinay pagkatapos siyang halinhinang gahasain ng anim na kabataang lalaki.

Nabatid na dinala ng consular team ng Emba­hada ng Pilipinas sa Tri­poli ang nasabing Pinay sa ospital para sa medical check-up matapos ang insidente.

Nasa pangangalaga na umano ng Embahada ang biktima.

Nauna rito, isang Pinoy construction worker­ ang dinukot at pinatay noong Hulyo 15 ng mga armadong Libyan sa ka­sagsagan ng bakbakan sa Benghazi noong Hulyo 19.

Habang isinasagawa ang negosasyon sa pagpapalaya sa nasabing OFW pinatay at pinugutan siya ng mga abductors na humihingi ng ransom.

Natagpuan na lamang ang bangkay nito sa isang ospital sa Benghazi bago pa maibigay ng kanyang em­ployer ang ransom money.

Dahi dito, itinaas ng DFA sa crisis alert level 4 o mandatory evacua­tion noong Hulyo 20 ang stiwasyon para sa seguridad ng mga Pinoy sa Libya kasunod din ng pag-atake at pagbomba ng mga militante sa Tripoli International Airport sanhi upang magsara ito.

Muli ring nanawagan ang DFA sa may 13,000 Pinoy sa Libya na magsilikas at kagatin ang alok na mandatory repatriation. Ang gastos sa pag-uwi ay sagot ng pamahalaan o DFA.

Sa kabila ng apela ng pamahalaan, halos 800 Pinoy pa lamang ang lumilikas sa Libya kabilang ang bagong batch ng OFWs na nakauwi noong Martes.

Unang sinabi ni DFA Sec. Albert del Rosario na isang barko na ang inupahan ng gobyerno na maaaring magsakay ng 1,000 katao para sa evacuation ng mga Pinoy.

Ang mga non-core staffs at kanilang pamilya ay nailikas na sa Tunisia.

 

Show comments