Napoles isalang muli sa Senado - Poe

Senador Grace Poe. File photo/Jo Ann Bitangcol

MANILA, Philippines – Matapos ihayag ni Justice Secretary Leila de Lima ang paghahain ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles ng kanyang sinumpaang salaysay tungkol sa pork barrel scam, puro katanungan ang naiwan sa publiko sa nilalaman ng naturang testimonya.

Dahil dito nais ng baguhang senador na si Grace Poe na muling isalang sa Senate Blue Ribbon Committee ang itinuturong nasa likod ng pork scam na si Napoles upang malaman ng publiko ang mga isiniwalat mismo ng negosyante.

"Lalo na hindi pa naming alam ang nilalaman ng affidavit pero sa tingin ko, may karapatan din ang tao na marinig sa bibig mismo ni Napoles ang kaniyang salaysay," pahayag ni Poe.

Kaugnay na balita: Napoles hindi utak ng 'pork' scam - abogado

Nilinaw ng Senadora na hindi tutuon ang magiging imbestigasyon kung maaaring maging state witness si Napoles dahil sa ginawang pagsisiwalat.

"Sa paksa ng state witness, ang may karapatan na magdetermina ay ang Ombudsman," dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Committee chairman Teofisto Guingona III na kailangan muna nilang antayin na makumpleto ni Napoles ang kanyang testimonya sa Department of Justice bago muling buksan ang komite ngunit hindi pabor dito si Poe.

Kaugnay na balita: 19 senador sa pork scam 'di sinabi ni Napoles

"We will wait for Secretary De Lima to finish documenting the supposed disclosure of Janet Lim-Napoles," banggit ni Guingona.

"Kung ang hearing sa Senado ang siyang magiging daan para makamit ito ay dapat lang na maimbitahan muli sa hearing si Napoles," wika ni Poe.

Nais din ng senadora na ilabas na ang mga pangalan ng mga mambabatas na isinangkot ni Napoles.

Kaugnay na balita: Enrile, Revilla, Estrada dawit sa affidavit ni Napoles

Kinumpirma ni de Lima na nabanggit ni Napoles sa kanyang testimonya ang mga pangalan nina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.

"Marami man ang sangkot dito, dapat bawat pangalan sa listahan ay ilabas. Pagkakataon ito na mapurga, linisin at repormahin ang mga institusyon na binaboy nila," sabi ni Poe.

Sinabi pa ng senadora na hindi na kailangang i-review ang affidavit ni Napoles bago siya humarap sa Senado.

"Kung anong mga katanungan na ayaw sagutin noon ni Napoles sa Senate hearing ay maaring tatanungin namin ulit para mapatunayan nga kung tapat si Napoles sa kaniyang pagpapahiwatig na magsasabi na siya ng buong katotohanan," dagdag ni Poe.

Marami ang nadismaya kay Napoles nang humarap ito sa Senado noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa hindi pagsagot sa mga katanungan ng mga senador.

Show comments