2 Pinoy missing sa banggaan ng barko

MANILA, Philippines - Dalawang tripulanteng Pinoy ang kabilang sa tatlong crew na nawawala matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang barko sa isa pang barkong pangisda at lumubog sa North Sea na sakop ng Netherlands noong Lunes.

Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na nagsasagawa na ng search and rescue ope­rations ang Dutch Coast Guard sa lumubog na barkong Maria na may sakay na limang crew makaraang bumangga sa fishing vessel Texel 68 habang naglalayag sa North Sea bandang 1:30 ng mada­ling araw.

Nasa karagatan ang mga Pinoy seamen na naatasang magbantay sa isang oil drilling platform, may 40 kilometro southwest ng Den Helder, ang Dutch Navy Port.

Nasagip ang dalawa sa mga crew habang nawawala ang tatlo kabilang ang dalawang Pinoy. 

Bukod sa mga divers, nagpadala din ng mga helicopters sa lugar upang tumulong sa rescue ope­rations.

Show comments