Napoles nasa Laguna na

Si Janet Lim-Napoles habang kinukunan ng blood pressure ng isang tauhan PNP Special Action Force sa fort Sto. Domingo sa nasabing lungsod. Kuha ni EDD GUMBAN

MANILA, Philippines - Nasa pangangalaga na ng pamunuan ng Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna si Janet Lim-Napoles, ang umano’y utak sa P10-billion pork barrel fund scam, matapos na ito ay ilipat kahapon ng umaga mula sa Makati City Jail (MCJ).

Kinumpirma ni Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng Philippine National Police public information office, ang paglipat ganap na alas-6 ng umaga.

“I confirm Napoles’ transfer from Makati City Jail (MCJ) to Sta. Rosa, Laguna,” sabi ni Sindac.

Hindi naman siya nagbigay ng anumang detalye maliban sa si Napoles ay inalis sa MCJ ng alas-5 ng umaga at dumating sa Fort Sto. Domingo ng alas 6 ng umaga.

Si Napoles ay ibinigay ni MCJ officer-in-charge Chief Insp. Fermin Enriquez kay Supt. Francis Allan Reglos, ang commandant ng PNP Special Action Force School sa Fort Sto. Domingo ganap na alas  6:30 ng umaga.

Ang paglipat ni Napoles ay nangyari dalawang araw matapos na aprubahan ng Makati City regional trial court ang paglipat nito sa pasilidad ng Laguna para sa kanya umanong seguridad.

Todo higpit na ang ipinapatupad na seguridad sa Fort Sto. Domingo ng SAF personnel na ipinakalat sa paligid nito.

Nagtungo din sa MCJ si PNP chief Director General Alan Purisima, alas-4 ng madaling araw at umalis bago -alas-5 ng umaga.

Itinuring na high profile inmate si Napoles sa city jail simula noong Huwebes ng gabi, matapos na siya ay dalhin dito sa utos ng Makati City RTC.

Nanatili muna ito sa pangangalaga ng PNP sa Camp Crame matapos sumuko kay Pangulong Aquino sa Malakanyang.

 

 

Show comments