P125 wage hike muling inihain sa Kamara

MANILA, Philippines - Muling inihain sa Kamara ng mga militanteng kongresista ang panukalang P125 daily across-the-board salary increase para sa manggagawa sa pribadong sektor.

Layunin ng House Bill 253 na matulungan ang mga ito na makaagapay sa presyo ng mga panguna­hing presyo ng bilihin. Nakasaad sa panukala na ang patuloy na pagbaba ng purchasing power ng piso ang nagpapababa pa lalo sa halaga ng sahod sa bansa.

Habang nananatiling mababa ang sahod ng manggagawa ay hinahayaan naman umano ng gobyerno na magtaas ng presyo ang mga pangunahing bilhin at serbisyo. Maliit lamang umano ang inaaprubahang taunang wage increases ng regional tripartite wages and productivity boards (RTWPBs) kumpara naman sa mataas na halaga sa presyo ng bilihin at serbisyo.

Sa ilalim ng panukala, hindi kabilang o hiwalay sa naturang increases ang ibinibigay na anniversary wage increases, merit wage increases o promosyon ng empleyado.

Inaatasan naman nito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng inspeksyon sa payroll at iba pang financial records ng kumpanya upang malaman kung nakakasunod ito sa wage increase.

Sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng apat na taon at multang P100,000 o pareho, depende sa desisyon ng korte.

Una na itong inihain noon pang 13th, 14th at 15th Congress ng yumaong Anakpawis Rep. Crispin ‘Ka Bel’ Beltran subalit hindi naipasa.

 

Show comments