PNP full alert na!

MANILA, Philippines - Naka-full alert na ang buong Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagbubukas ng klase ngayong araw.

Ayon kay PNP spokesperson Generoso Cerbo, may 10,000 pulis ang ipapakalat sa Metro Manila.

Tinataya ng Department of Education na aabot sa 20.8-milyong mag-aaral sa public school ang magbabalik eskuwela ngayon.

Ang 1.78 ay Kinder­garten, 13.3-milyon ay nasa elementary at 5.7-mil­yon sa high school.

Nilinaw ni Cerbo na ang full alert ay nanga­ngahulugan ng pinaigting na police visibility sa mga lansangan sa pagbubukas ng klase.

Sinabi naman ni De­puty Presidential Spokesperson Abigail Valte, naki­pagcoordinate na rin ang DepEd sa pulisya bilang paniniguro sa kaayusan sa unang araw ng pasukan sa paaralan sa buong bansa, gayundin sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang masiguro naman ang maayos na trapiko na inaasahang sisikip sa school opening ngayon.

Ani Valte, ang paghahanda ay hindi lamang sa class opening kundi sa buong school year.

Samantala, aminado naman si DepEd Undersecretary Tonisito Umali na kakulangan pa rin ng mga silid-aralan at mga guro ang sasalubong sa mahigit 20.8 milyong estudyante sa pampublikong mga paaralan.

Sa rekord ng DepEd, may 19, 579 classrooms pa ang kulang sa ilang paaralan sa ngayon.

Kulang din aniya ang mga guro kahit nakakuha ng 61,500 bagong teachers ang DepEd dahil sa dami ng mga estudyante sa bansa.

Ilan sa mga bagong guro na kinuha ng DepEd ay pasuswelduhin ng mga local governments.

 

Show comments