Bangsamoro Police ginagamit ng sindikato

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga kapwa nito Muslim na huwag magpalinlang sa mga pekeng recruiters umano ng Bangsamoro Police partikular na sa Zamboanga City, Sulu at Tawi-Tawi.

Ito’y matapos ang paglagda ng pamahalaan at ng MILF sa Framework Agreement sa Malacañang noong nakalipas na Oktubre 15 kung saan bahagi ng kasunduan ay ang makapasok sa PNP ang kanilang mga mandirigma.

Ayon kay Jun Mantawil, pinuno ng MILF peace panel secretariat, peke at sinisindikato ng masasamang elemento para magkamal ng pera ang pagrerecruit para umano sa Bangsamoro Police.

“How could the MILF recruit policemen when the issue of policing is yet to be discussed by the parties this month in Kuala Lumpur?” ani Montawil sa ipinosteng statement sa kanilang website na luwaran.com.

Sa impormasyong nakalap ng MILF, ang mga pekeng recruiters na gumagala sa lugar ng Bangsamoro ay naniningil umano ng P500 para sa application form sa mga kalalakihang Muslim.

Para siguradong makapasok umano sa bubuuing Bangsamoro Police ay kailangang P2,000 ang ibayad ng mga nire-recruit.

Nabatid pa na ikinaalarma ng MILF na marami ng mga Muslim ang naloko ng nasabing mga tiwaling indibidwal na nasa likod ng pekeng recruitment.

Inihayag pa ni Montawil na isinasapinal pa ang integration program ng kanilang miyembro sa PNP na magiging bahagi ng technical working group na isasagawa ng magkabilang partido.

Magugunita na inihayag ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na bahagi ng nilagdaang Bangsamoro peace agreement ang integration ng MILF fighters sa PNP.

 

Show comments