Grupo may sorpresang inspeksyon sa mga motel

MANILA, Philippines - Magsasagawa ng sorpresang inspeksyon ang mga miyembro ng children's welfare group sa mga motel sa Maynila kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso at National Consciousness Week Against Child Sexual Abuse and Exploitation.

Mag-iikot sa mga motel sa Sta. Mesa, Manila ang mga miyembro ng Akap Bata partylist upang ipaalaala sa mga may-ari ng mga motel na bawal papasukin ang mga menor de edad sa kanilang mga establisimyento.

Bukod sa pakikipag-usap sa mga may-ari ng mga motel, hahanapin din ng grupo kung sinusunod din ng mga establisimyento ang paglalagay ng mga babala na nagsasabing bawal sa kanilang lugar ang mga 18-anyos pababa.

Tatanungin din ng grupo ang mga tauhan ng mga motel tungkol sa mga panuntunan upang masiguro na ang mga parokyano nila ay nasa tamang edad.

Magdadala rin ang grupo ng mga tarpaulin upang ipaalaala sa publiko na bawal ang mga menor de edad sa mga motel na karaniwang napupuno ng mga magkakasintahan tuwing Araw ng mga Puso.

Show comments