Krema (117)

NASA likod ni Dang si Paulo at tatlo pang lalaki. Parang nagmamadali ang mga ito sa paglalakad. May mahalagang kukunin ang mga ito kaya nagmamadali. Hula ni Lex, ang maleta na may lamang shabu ang sadya ng mga ito.

Humanda si Lex. Muk­hang mapapalaban siya. Inihanda niya ang arnis. Kapag nagipit siya, magagamit niya ang arnis para ipagtanggol ang sarili, Hindi siya magpapaagrabyado sa mga drug pusher.

Kinuha niya ang cell phone at kinunan ng picture ang parating na sina Dang. Ebidensiya ito laban sa mga drug pusher. Kung alam lang sana niya ang numero ng barangay, mairereport niya na may drug pushers at magpapasaklolo siya. Pero wala siyang numero. Akalain ba niyang sa lugar pang ito naisip ng pushers na maglungga. Hanggang maisip niya na ang mga maleta na dala nina Paulo at hinakot sa kubo ay mga shabu rin ang laman. Napakaraming shabu na ikakalat sa barangay. Ang dating tahimik na bara-ngay ay gagawing impiyerno. Hindi puwede ito, lalabanan niya ang sindikato. Kahit pa magbuwis siya ng buhay.

Kung alam lang niya ang numero ng pulis, tatawagan niya para marespondehan siya. Pero wala siyang numero.

Bahala na!

Hanggang sa marinig niya ang papalapit na yabag. Nasa harap na ng bahay sina Dang. Nararamdaman na niya. Kailangang maging handa siya.

“Lex! Lex! Si Dang ito, buksan mo ang pinto!’’

Hindi siya kumilos. Hindi niya bubuksan. Kapag may nagpilit pumasok, hahatawin niya. Hindi siya uurong.

“Lex, buksan mo ang pinto, me-ron akong ibibigay sa’yo.’’

Hindi kumilos si Lex. Sige pumasok kayo!

Hanggang maka-rinig ng lagabog si Lex. Ginigiba na ang pinto. Malalakas na salya ang narinig niya.

“Lex buksan mo na ang pinto! Meron akong ibibigay na pera. Milyones ito. Lex!”

(Itutuloy)

Show comments